Ekphrasis

Itak Sa Puso Ni Mang Juan
ni Antipas Delotavo
                      Ito na siguro ang pinaka-kritikal na nagawa ko sa Arts nitong semester. Grabe! Makapigang-utak na pagsusuri para kuhanin ang kahulugan ng pintang ito. Ngunit sa kabila ng 'mistulang' normal na sining ay isang malalim na mensahe ang nais iparating ng pintor na si Delotavo, isang social-realist na pintor. Sabay-sabay nating imulat ang ating mga mata sa mga isyu ng lipunan na madidiskubre natin sa kanya, tulad na lamang ng isang ito; na partikular sa globalisasyon at komersyalisayon.


Itak Sa Puso Ni Mang Juan


                              Isang kayumangging lalaki ang naglalakad nang nakayuko habang nakatuon ang kanyang paningin sa ibaba. Mistulang malalim ang kanyang iniisip at binabagabag ang kanyang damdamin ng mga ideyang tumatakbo sa kanyang isipan. Ang kanyang mga kamay ay nasa likuran, nakakapit ang kanan sa braso ng nakadiretsong kaliwa. Nagpapahiwatig ng pagkapagod, pagkapuot, at pagsusumite ng kanyang sarili sa isang nakatataas. Lukot ang asul na polong kanyang suot, nakalugay ang laylayan nito sa aabot sa isang dangkal pababa sa kanyang baywang. Ipinares ito sa kinupas nang asul na pantalon. Sa gawi niyang kanan ay isang poster ng Coca-Cola, isa sa pinakamalaking korporasyong dinala sa atin mula sa ibang bansa. Hindi man buo ang naipakikita sa litrato, ngunit alam ng lahat na iyon ang logo nito. Nakasulat ang logo nito sa malalaking letra. Ang pinakaunang letrang C ay may buntot na animo'y itak na nakatutok sa dibdib ng naglalakad na lalaki, mistulang nakasalalay ang buhay ng lalaki sa kanyang pagpapatuloy ng paglalakad. Sa bandang ibaba ng poster na ito'y may mga ulap na mantsa, ngunit unti-unting nawawala paitaas, sapat upang hindi matakpan ang bahagi ng salitang "Coca-Cola", nagpapakita ng diin sa kompanya. Sa bandang gitna naman ng poster na ito, nakasulat ang mga salitang "REG PHIL". Ang ibig sabihin ng mga salitang ito ay batas proteksyon sa mga "trademarks" o mga naitalagang pangalan. Ang poster ay nagpapahiwatig ng negatibong epekto ng komersyalisasyon sa mga mamamayang Pilipino, na inirerepresenta ng kayumanggi balat ng lalaki at ng salitang "PHIL". Sa oras na siya ay lumakad, patungo sa nais niyang tahaking destinasyon, malalagutan lamang siya ng hininga sapagkat may itak na nakatutok sa kanyang harapan, walang ibang paraan upang mabuhay ay kundi ang bumalik sa pagkalugmok at magsumite, na ipinakikita ng kanyang mga kamay sa likod.

Comments

Popular posts from this blog

Baybayin

Introductory Essay